General Santos City o Dadiangas, ano ang unang pumapasok sa kukote ko noon? Paquiao, Bad Boy From Dadiangas, Tuna at lalo na pagbobomba. Ito ang ang mga unang imahen na nasa isip ko kung ano ang istura ng pinakatimog na syudad sa bansa. Palabirong sinasabi na "Boom Town" ang Gensan, ginawa namang literal. Marahil dahil na rin sa media dito sa bansa, masyado nilang ineexaggerate ang balita sa Mindanao. Kung tutuusin, hindi naman magulo ang pamumuhay dito hindi tulad sa mga napapabalitaan. Life goes on dito kahit may bombahan noon. At least, hindi paranoid ang mga Dadiangasnon o mga "Generals."
Ang Agresibong Makar
Sembreak 2003. Pinasya ko na bumaba na lang ng Gensan dahil baka gabihin pa ako kung itutuloy ko ang biyahe sa barko. 2 oras lang layo ng Digos City samantalang 7 oras kung pa-Davao City tapos isang oras pa na biyahe papuntang Digos. Tinawag ko ang isa ko sa mga ka-berks ko na nagtatrabaho sa Gensan at sinundo ako sa magulo at mainit pero state-of-the-art na pantalan ng Makar, marahil isa sa pinakamalaki sa bansa. Marami ngayon ang ibinababang pasahero't kalakal mula dito at ito ang isa sa mga imprastraktura na nagpaunlad ng lubusan sa Gensan.
Paalaala para sa mga first timers na bababa ng Makar sa Gensan:
Maikling Sulyap sa Dadiangas
Ang General Santos City o kilala sa maikling ngalan nitong Gensan o dati nitong pangalan na Dadiangas, ang tinaguriang gateway to Socsksargen region (binubuo ng mga lalawigan ng South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos) tinaguriang isa sa mga pinaka-progresibong rehiyon sa bansa. Dati itong tinaguriang "backwater" dahil bukod sa maalikabok at mainit dito, walang katahimikan naman ang nagbabadya sa Mindanao dahil sa digmaan noon. Babaan ito dati ng mga "Pioneer Settlers", mga Kristyanong taga-Luzon at Visayas na nakipagsapalaran sa Mindanao upang mapaunlad ang kanilang pamumuhay. Pinamunuan ito ni Heneral Paulino Santos sa bisa na rin ng National Land Settlement Administration na siyang namamahala sa mga settlers. Hindi naglaon dumami na ang mga Kristyano sa lugar na ito.
Kahit isa na itong urbanisadong lugar, hindi siya nakatakas sa mga kaguluhan sa Mindanao. Mga pagbobomba na naganap sa lungsod na tila nagpahina sa kanilang buhay ekonomiya. Hindi sila nagpatinag tulad ng iba nilang kababayan sa Mindanao. Umuusad pasulong ang buhay ng mga "Generals"
Doon po sa Gensan…
Kung first time mo siguro dito, baka ma-shock ka sa kakaibang init na dulot ng lokasyon at tipo ng lupa rito (sand-loam, o puting buhangin sa buong lugar, animo'y para kang sa Dubai o Saudi sa init at mala-disyertong alikabok). Sa mga lugar sa South Cotabato, ang Gensan na marahil ang isa sa pinakamababang antas ng ulan na natatanggap, na may 35mm lang di tulad ng mga kalapit-bayan nito. Kung tutuusin, sabi ng iba ay malapit na sa equator ang naturang lungsod. Southernmost City nga ito.
>>Paalala: Ang salitang ginagamit sa Gensan ay Bisaya pero may halong Ilonggo at iba pang lenguahe dahil na rin iba't ibang tao na rin ang lumipat dito. Kung hindi marunong mag-Bisaya, mag-Tagalog ka na lang.
Marahil isa na siguro sa pinakamaunlad na syudad na nakita ko sa Pilipinas, mula sa pagiging "backwater" nito hanggang sa pinaka-kompetitibo na lungsod sa bansa noong 2002, 60% ng income ng naturang syudad ay kinnukuha sa industriyang hindi lamang sa lokal na pangkonsumo, ine-export pa ito sa ibang bansa lalo na ang Japan. Ang industriya ng mga isdang Tuna, latahan o cannery ng Tuna at Tuna fishing industry. Kung gusto mo makakita kung saan ibinabagsak ang mga tuna, pumunta kayo sa GenSan City Fish Port, ikalawang pinakamalaking Fish Port sa bansa. May 15kilometro ang layo nito mula sa downtown at sasakay kayo ng jeep na pa-"Tambler" o di kaya mag-habal habal (single na motor) kaso medyo may kamahalan sumingil si manong drayber. Dito niyo mabibili ng sariwa ang tuna, galing pa sa Indonesia at Pasipiko ang mga iyan! Binubuhat ng mga kargador mula sa bangka patungo sa mga la mesa na kung saan ay ginagrado naman ito.
Sa downtown naman, hinding-hindi ka maliligaw. Sumakay ka lang sa traysikel (na siyang pangunahing pampublikong sasakyan sa lungsod) at mapapadpad ka kung saan-saan sa Dadiangas.
Ang sentro ng komersyo ay matatagpuan sa Pioneer Avenue at Santiago Boulevard, kasama na rin dito ang Acharon Blvd, National Highway at J.Catolico Ave (assuming na alam ang street names,hehe!) Malapad ang mga kalsada dito, animo'y runway. Nakakatakot tumawid dito kung minsan lalo na kung hindi ka sanay sa malalapad na daanan.
Ang City Hall ay matatagpuan sa dulo ng Pioneer Avenue sa harap ng plaza na inalay kay
General Santos, ang nagtatag ng mga settlements sa Timog Cotabato. Dito kayo maaaring kumuha ng impormasyon ng syudad. Sa tabi nito ang Bangko Sentral at RD Plaza sa kabila ng kalsada na isang mini-mall kasama ang Fitmart, isang grocery and supermaarket store.
Mag-soshopping ka naman, andyan ang SM Gensan (o Sa Maranaoan - lugar ng mga negosyanteng Muslim na nagbebenta ng malong, arafat at kung ano-ano pa), ang ever-reliable na Public Market kung saan mabibili mo na kung anong gusto mo at mga modernong malls tulad ng KCC, Gaisano at Fitmart. Sa mga lugar na ito makakabili ka ng mga souvenirs mo. Pinapayuhang huwag nang magdala ng bag kung pupunta dito dahil hanggang sa gate lang sila, sa may baggage counter at kung minsan mahaba ang pila dito. For security reasons ika nga.
Maayos ang daanan palabas ng syudad. Pumunta ka lang sa Bulaong Terminal kung pupunta ka sa Cotabato o Davao.
Kung kultura ang pag-uusapan, pwede kayong pumunta sa General Paulino Santos Museum sa Notre Dame of Dadiangas College. Makikita niyo doon ang kasaysayan ng Dadiangas mula sa pagkatatag hanggang sa ngayon. Kung kulturang Socsksargen naman, sa Mindanao State University kayo pumunta (oo, merong MSU sa dito, akala niyo sa Marawi lang no?) at sa ikatlong palapag ng tinatawag nilang Y-Building, andun ang Museo nila na kung saan pinapakita ang mga lugar at kultura ng timog-sentral Mindanao, mula sa T-boli, Blaan hanggang sa mga Moro at Kristyano.
Kung gusto mong magpa-refresh sa tubig dagat, sa London Beach, Tropicana at iba pang mga beaches sa Siguel pwede niyong puntahab. Kung cold spring sa Olaer Spring o di kaya sa mga pribadong swimming pools.
Nga pala, kung piyesta ang pag-uusapan, di pahuhuli ang Dadiangas. Kada Pebrero, may Kalilangan Festival na ipinagdiriwang ang pagtatatag ng Buayan (dating ngalan ng Gensan) sa pamamagitan ng mga cultural shows. Samantala ang Tuna Festival naman ay sinasagawa tuwing Setiembre kasabay ng charter day ng syudad. Ipinagdiriwang dito ang industriya na nagpaunlad at nagpasikat sa lungsod hindi lamang sa bansa pati na rin sa buong Asya bilang "Tuna Capital".
Teka, paano ba pumunta dyan?
Magbarko ka, meron namang Superferry at Sulpicio mula Maynila, Cebu, Davao, Iloilo, Bacolod at Zamboanga. Kung gusto mong pumuslit papalabas ng bansa, may mga lancha't barko pumupunta sa Indonesia once in a while.
Sosyal ka at ayaw mo ng hassle sa paglalakbay, may PAL at AirPhil (sorry sa mga loyalista ng Cebu Pacific, wala ruta dito) mula Maynila, Cebu at Iloilo. Ang International Airport sa savannah ng Barangay Fatima ay may 16 na kilometro layo. Magtaxi ka kung ayaw mong sumakay ng habal-habal.
Galing kang Mindanao, may bus at L300 mula sa Cotabato at Davao. Napaka-deretso ng mga daan dito kung galing kang Cotabato, parang nirebond,hehehe!
Marami ka pang mapupuntahan sa Dadiangas kung tutuusin, kaso hindi siya tulad ng Intramuros, Cebu o Paris na ma-turista dahil sa makasaysayan ang lugar. Ang bayan na ito ay nagsisimula pa lamang sa pag-unlad dahil na rin agro-industrial based ang lungsod. Tulad ng mga suntok at knock-outs na tinanggap ni Paquiao sa larong boksing, nakatikim ang mga "Generals" ng mga dagok at sakit ng suntok ng terorismo at kahirapan ng nakaraan at sila'y masigasig na bumangon muli at magbibigay dangal sa sambayanang Pilipino.
Sino nga bang mag-aakalang pupunta ako ng Maynila sa kalagitaan ng semestre? Wala di ba? So, ayun, dahil na rin sa spirit of adventurism ko, napasabak akong mapa-Roro.
Sinubukan ko naman ang isang natatanging alternatibo na bukod sa mura na, marami ka pang lugar na makikita, ito ang pumunta sa Maynila sa pamamagitan ng "Strong Republic Nautical Highway" na pinasimunuan ni Pangulong Arroyo para magkaroon ng alternatibo ang "Maharlika Pan-Philippine Highway" sa may silangang bahagi ng Pilipinas.
ISLA PAN DE HAY!
Sumakay ako ng Philtranco. Bus Number 720. Aircon ito pero alam nyo kung saan ito dadaan? Sa Calinog. Opo, imbes na sa Pototan dumaan, eh napadaan pa kami sa Calinog na medyo napalayo sa destinasyon. (Gumising pa ako ng maaga tapos hinatid na ako sa terminal tapos dadaan lang pala sila sa amin! Gastos sa pamasahe!). Pumick-up sila ng pasahero sa daan na may tiket tapos nag-stop over kami sa Lungsod Passi at makainom nga ng kape at makakain ng "linagang pata na may alugbati" (surprised?!). Dalawang oras pa sa pawindang-windang, lubak lubak at makitid na daan patungo sa republika ng "mga taga-hawak ng puting perlas ng Pilipinas" (Aklan) bago kami sumapit sa kabisera nito, ang Kaeibo (Kalibo,hehe!). Nagkita kami ng matagal ko nang hindi nakikitang schoolmate na si Ate Jai-Jai, papunta rin syang Maynila kaso sa kabilang bus sya. Isa nanamang oras at kalahati ang lumipas (sa Ibajay, nakita kong nakaupo sa veranda ang isa naming kaklase nang napadaan ang bus sa kanila) at nakarating kami sa pier ng Caticean (Caticlan), ang sinasabing "gateway to the world's best beach", Boracay.
Noong nakaraan, pumunta ako dito kaso ako'y nanghinayang sa ganda na sinira ng masyadong komersalisyadong paligid nito. Kung maligo ka pa doon, para kang naligo sa pond na may puting buhangin dahil sa dami ng lumot sa dagat! Yuck! Anyway, balik sa biyahe, pinakain kami sa isang resto na kinontrata ng kumpanya ng bus. Aba! Medyo mahal ata ang pagkain, P40! Tapos, naghantay pa kami sa Caticlan ng 3 oras hanggang sa umalis kami sa pantalan ng bandang alas-3 ng hapon. Napadaan sa Boracay na parang wala lang at limang oras kami nagbiyahe sa laot patungo sa bayan ng Roxas sa Mindoro Oriental.
MV MAHARLIKA S**T-E
Ang limang oras ng nasa loob ng oven dahil sira ang aircon ng kwartong kinapapahingahan namin. Boring, grabe! Atat na atat na akong makadaong sa Mindoro! Buti na lang andyan si Ate JaiJai kundi baka nagwala na ako sa barko sa sobrang walang magawa! Ang bagal kasi! Tapos as usuall, ang pagkain ay mahal pa, kala mo lahat eh nasa dolyar ang presyo! 8:30 na ng gabi ng makarating kami ng Mindoro.
BATO BATO SA BUS, ANG RAMBUTAN MURA-MURA LANG
Kung tutuusin, ito ang kauna-unahang kong pagkakataong makatungtong sa Mindoro kaso gabi pa! Bwisit! Hindi ko ma-unawaan ang kagandahan ng islang ito dahil madilim ang paligid! Talk about first time huh?! Anyway, kumain ako sa kainan na sa uulitin, kinontrata ng kumpanya ng bus at sa aking paga-gulat sa presyo ng kakatiting na ulam at kanin na P50 ang halaga, para akong hinoldap! Sabi ko, "malapit na ako sa Maynila". Ayun, dahil sa gutom sa biyahe sa laot, walang magawa. Nakita ko ang senyas: 126 KM to Calapan City-ang kabisera ng lalawigan. 3 oras pa, pero bago kami lumabas ng bayan ng Roxas, kami'y pagod at handa ng pumahinga ng pinatay ang ilaw sa bus at pinasasara ang mga kurtina dahil may mga nambabato daw sa daan. Binalewala ko na lang ang sinabi ng konduktor, baka pakulo lang ito, hindi pala.
Matapos ang 2 oras na biyahe, tumigil kami sa Happy Valley, bayan ng Socorro. Animio'y Davao ang simoy ng hangin ng dahil sa….DURIAN! DURIAN sa Southern Tagalog? Kala ko ba sa Davao lang ito?! Medyo maliliit at may konting kamahalan kung ihahambing mo siya sa durian sa Davao. May mangosteen at marang din. Amoy galing Mindanao ang bus tuloy! Pero ang napansin kong marami-raming binebenta rito ay ang rambutan. Sa halagang beinte pesos kada kilo (mura na 'to) sabi nga ng aking ina, matamis ini! Kaya bumili ako (pasalubong ko kay mama ito). Umalis kami at nagpatuloy sa pagewang-gewang na kalsada sa Mindoro.
Pagsapit ng bayan yata malapit sa Naujan, nagkatotoo nga ang sinabi ng konduktor! Binato nga kami ng mga gago na walang magawa sa buhay! Patuloy pa rin kami sa pagbiyahe kahit na nangyari ang pambabato ng mga gago. Iniisin ko, bakit kaya binato kami? Gago nga ba sila o may rason? Nakaabot kami sa munting syudad ng Calapan ng hatinggabi ng antok at pagod! Sa pier, pinalipat kami sa bapor at doon nagpalipas ng 2 oras ng biyahe patungong Luzon, ang destinasyon: Lungsod ng Batangas.
ANG HARUROT SA TIMOG KATAGALUGAN
Hindi ako masyadong nakatulog sa barko habang binabagtas namin ang isa sa pinaka-busy na daanan ng barko sa bansa, ang Isla Verde Passage. Maraming barko ang dumaraan dito, araw-araw, gabi-gabi. Sa maliit naming bapor na kung tawagin ay StarLite Nautica, tinawid namin ang kipot. Sa Calapan pa lamang, sinubukan kong patugtugin ang mumurahin kong radio-walkman at sa aking surpresa, mga radyo na sa Maynila ang naririnig ko!
Ang Lungsod ng Batangas ay maliwanag kung makikita mo sa laot. Ang ganda pagmasdan ang mga ilaw na sumasaliw sa dilim at liwanag ng buwan. Nakita ko ang dati kong napuntahang paraiso, ang Ilijan, na ngayo'y pinatayuan na ng isang istrakturang planta. Paparating na kami sa pier ng makaamoy kami ng amoy-tae! Ang baho talaga, pero ok lang. Nakarating rin kami sa pier na sa palagay ko eh, pinakamoderno na yata sa bansa! At sa pagbaba namin sa pantalan ay ang pagkakataong masilayan ang sira ng bintana na binato noong gabing iyon sa Mindoro. Buti na lang walang nasaktan. Kami'y lumakad na…
Ang bagong expressway na STAR o Southern Tagalog Arterial Road ay nakapagpabilis ng biyahe namin patungong Maynila mula sa Lungsod ng Lipa. Hindi ko pala akalain na nasa Calamba na kami! Ang bilis! At isang oras o mas mababa pa, nakita ko ang mga bulwagang bago ng Alabang. Nakarating na pala ako ng Maynila. Puro expressways na ngayon no?!
MAYNILA SA KUKO NG LIWANAG
Nakarating ako ng Maynila, umaga na. Eksaktong 24 oras ng ako'y umalis sa Iloilo. Petsa: ika-21 ng Hulyo taong 2005. Bumaba ako sa Araneta Center Cubao. Tila gumanda ito mula sa nakakaligmok na itsura nito noon. Pangkumpetensya sa Makati! Sumakay ako ng MRT na may dalang bagahe at tumungo sa bahay sa Cavite. Bumaba sa Taft nang biglang bumuhos ang ulan. Sumakay sa isa nanamang bus patungong Imus. Himala sa aming biyahe at hindi trapik sa isang umaga na tila katapusan na ng mundo kung hindi magtatrapik sa Coastal Road hanggang Imus. Kung tutuusin, 5 kilometro lamang ang distansya ng Coastal Road sa Imus, pero 1 hanggang 2 oras ang biyahe kung rush hour! Believe it or not, dumaan dito ang Amazing Race 5 contestants! What a challenge!
Patuloy pa rin akong maglalakbay sa mga daanan sa Pilipinas…masaya. Maraming matutuklasan. Sa loob ng 24 oras, ang dami kong napuntahan. Pagod man ako o puyat, masasabi ko lang, sa mga nadaanan ko pa laman na lugar, ang dami na sana nating ipagmamalaki sa bansang tila yata lugmok dahil sa katarantaduhan ng iilan. Potensyal na tila hindi uusbong kung hindi ito aayusin at palalaguin. Tila, ironic lang talaga ang pangalan ng Nautical Highway na ito…