I
Wala lang…Hindi ito isang tula, hindi to isang prosa… Wala nga lang, pero tila may bigat sa aking dibdib at isipan…
Bakit ko nga naman iniisip ang mga bagay na di naman dapat isipin…
Ninais ko maging malaya kung tutuusin, malaya sa pag-aalala…
Pag-aalala sa isang bayan o sa pagkakaibigan o pati na rin sa sariling buhay…
Nakamit ko nga ang dapat nakamit, pero sapat ba ang iniaalay para makuha ang ginugusto?
Inaalala ang lipunan na wala namang ****-alam o ka-amor sa sarili kong pananaw…tila bingi sa aking mga sigaw ng pag-babago…
Kasalanan bang magkaroon at maalab ang ideyalismo, sa sarili’t lipunan?
II
Inaalala ko ang dapat di inaalala…Dugong dadanak muli
Sapagkat ako na mismo ang nakasaksi
Sa aking nakaraan, naging mapangahas ako, nagtatanong…Bakit ganito at bakit ganoon?
Tinahak kahit na mismong manipis na hibla ng buhay at kamatayan sa pagtawid sa ilog ng kapahamakan
Nagawa ko ito dahil sa pagmamahal ko sa sariling bayan o marahil mismo sa antig ng pagahahanap ng kasagutan…
Nabinyagan na pala ako sa dugo ng sigalot…
III
Katangahan na marahil ang mahalin pa ang sariling bayan, ani nila…
Marahil tanga nga ako…kahit mismong sariling buhay di maayos ng dahil sa pagmamahal sa bayan…
OA nga, wika ng mga kaibiga’t karamay ko…bakit masyado kang nababalot sa tila ideyal na pananaw ng pamumuhay?
Kasalanan nga bang arugain ang kultura’t bayan?
IV
Mapait na marahil siguro dahil napapaisip ka kung susuklian ka rin ng pagmamahal tulad ng ginawa mo…
Marahil nga’t katangan ang aking ginagawa…
Kung minsa’y nilulustay ko ang mga oras dahil sa ideyalismo na umaantig sa aking puso’t isipan…
V
Pinikit ko ang mga mata at nag-nais ng kalayaan mula sa pag-alala…
Ninais ko na makita ang mundo nang itim at puti lamang, walang kulay, walang sobra…
Ninais ko na maging tulad ng ibang tao na tila walang kamalay-malay o ni pakialam sa kanilang paligid…
Ninais ko na sana hindi ako matalino o marami pang nalalaman…
Ninais ko na sana isa lang akong alikabok sa kumpol ng marmol…
Tila walang silbi, masaya, malaya at walang iniisip kundi ang sarili…
Pero hindi.
VI
Napaisip tuloy ako, tanga nga ba ako?
Nagkasala sa sarili ko’t pinabayaan?
Tanga ng dahil sa pag-alala sa bagay na walang kabayaran…
O marahil nabubulag na sa katotohanan na ang ideyalismo ko ay hindi na matatamasa?
Tanga…bobo…gago…pero pinili pa rin ang daang di naangkop sa isang kabataang tila nawalan na ng ulira’t kaligayahan….
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.