Andito ako ngayon sa opisina, nagaabang sa kung ano mang ieedit sa mga artikulo o modipikasyon. Bangag na rin kung tutuusin kasi kung saan saan na ako napadpad nitong araw na ito. Kanina sa Miagao sa ilalim ng araw…sobrang init! Tapos hinabol pa ang mga propesor ko para mapirmahan ang mga recommendation letters ko para sa pag-apply sa masters na sana makapasok ako (sa UP Diliman at Ateneo, o Birhen ng Candelaria, ig-ampo mo ako. O Santo Nino, maluoy ka sa akon).
Eto sa opisina, nakaupo. Nagtatayp nang kung ano ano sa multiply site ko. Inaabangan pero sa unang pagkakataon, hindi ako nagwala. Pasalamat ako at dumami ang ads at kumonti ang gagawing kong mga articles. May tumutulong na pala sa akin ngayon, salamat salamat salamat at akala ko katapusan ko na!
Eto ako sa opisina, buhay na buhay. Malamang sa nainom kong Coke Zero sample kanina sa Supermart tapos dinagdagan ng Pepsi Deluxe na Caramel ang flavor tapos haluan pa ng Nescafe Latte. Wow! Gising na gising! Di ko pa naiinom ang Ion Energy Drink. Sinadya para di maantok o matulog habang mamamangka ako sa pag-eedit at pagsasaayos ng supplement copy bago sumapit ang Linggo. Hay kakapagod!
Eto ako ngayon sa opisina, nakadungaw sa monitor ng computer. Naghahanap ng pinakamurang byahe sa weekend na ito. Dapat nasa Maynila na ako sa Lunes o Martes para maihabol ko ang deadline sa UP. Ang susungit pa nila doon (Teka teka, di ba dapat sanay na ako dito? Pero mababait kasi ang civil servants namin sa UP Iloilo kung kikilalanin mo lang)!
Eto ako ngayon sa opisina, nag-aabang sa araw ng paghuhukom. Tila di sigurado kung kelan ako makakalabas sa kinasasadlakan ko. Dalawang taon na akong pagala-gala na tila walang patutunguan.
Marahil nang dahil na rin sa caffeine sa katawan ko, may isang desisyon na dapat nang seryosohin. Seryoso ako sa desisyon ko, kung gugustuhin kong makamit ang napakasimpleng pangarap na maging isang respetadong propesor. Simple marahil pero tila ang dami ko pang dadaanan.
Sa opisina ako ngayon, nagdadasal na sana sa lahat ng pagsubok na aking madadaanan sana hindi ako mawalan ng ulira’t maging isang pilosopong baliw sa daan.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.