Hay…pagdating sa food trip, iba na ang usapan. Marahil ito na yata ang sideline ko sa mga pamamasyal ko. Kambal na sa lakwatsa ang food trip. Trip ko kasing kumain kasi nagugutom talaga ako kung lumalakwatsa.
Pagsinabi mong Cebu, pumapasok kasi sa isipan ng nakararaming Pinoy: "dried mangoes, otap, rosquillos, danggit atbp. Pero masubukan ngang kumain ng mga pagkain dito sa Cebu na hindi pa nadidinig sa Maynila o pati na marahil na sa amin sa Iloilo.
Sick leave, di ako pinayagang lumabas ng aking duktor. Pero parang papatayin naman ako sa pagkabagot. Lumabas pa rin ako. Namsyal sa Cebu (nanaman) kasama ng kasamahan ko sa forum, lumarga kami pa-downtown. Butas na ang bulsa ko at sawang-sawa na ako sa Payaso at Malaking Bubuyog. Napag-isipan kung kumain sa mga turo-turo o sa mga karinderya sa mga daanan sa Cebu.
Sanciangko. Lansiao
Kukuha ng pix ang libangan ng mga forumers. Napasabak akong pumunta ng downtown para pumasyal sa pinakamatandang "downtown" sa Pilipinas kaso, di pa ako nanananghalian. Napasabak tuloy akong kumain ng "lansiao" kasama ng "puso" o kaning binalot sa dahon ng palaspas at naksabit. Lami-ah uy!
lansiao (lan.si-yaw). - isang uri ng ulam na kung saan ito ay sabaw na may lamang-loob ng baka, malapot ang sabaw at kung minsa'y maanghang. Masarap habang mainit.
Pinagpawisan tuloy ako! Sarap! Sa halagang P30, nabusog na ako. Nakalimang "puso" pa ako!
At kami'y nagpatuloy ng lumakad papuntang Colon.
Balbakwa
Ano ang balbakwa? Nang pumasok ang Dapug Resto sa Iloilo, nagtaka ako kung ano ang "balbakwa" na kanilang specialty. Nalaman ko na galing pala itong Cebu. Sa unang tikim, nakailang kanin ako sa isang ulam lang ng balbakwa. Mukha yatang na-high blood ako noon!
Napadpad ako sa Cebu at nakatikim pa ng maraming balbakwa, ang ulam na gawa sa pisngi, balat o pata ng baboy na nilagyang ng salsang manamis-namis na maanghang. Malapot ito at masarap kainin habang mainit kasama ang puso o mais.
Pork Humba
Naaalala ko sa Iloilo, inihahanda ang estopado kapag pyesta. Piniritong baboy na nilagyang ng mala-caramel na sauce at may pinya sa itaas nito. Nang makita ko ang "pork humba", napag-isipan ko marahil ito ang counterpart ng estopado sa Cebu.
Alanganing adobo, alanganin "estopado", ang humba na marahil ang "pork adobo ng Cebu". Similar sa mga nabanggit na ulam pero naiiba ang aroma at sarap dahil sa nilalagay na spice na parang hugis tala.
Inasal de Talisay
Kada Linggo sa amin sa Gorordo, may naghahanda ng Litson sa harapan. Almusal ng nakararami, marahil isa na ito sa mga sikat na "Lechon de Cebu" o Litsong Talisay.
Nagdiwang ng kapistahan sa Talisay kamakailan lang at pinarada ang mga lechon na may katangi-tanging lasa dahil sa nilalagay na rekados habang ito'y iniihaw.
Isa na marahil sa mga paborito ko ang lumpia. Ubad, Shanghai, you name it, I'll eat it! Pero nang maintriga ako sa isang pagkain, alanganing lumpia, marahil ito na ang pinakasinasamba kong ulam dito sa Cebu. Ngohiong!
Walang ganito sa Iloilo o kahit na sa Maynila o sa ilang lugar sa Mindanao na aking napuntahan. Naintriga ako dito dahil ang pangalan ay tunog imported. Marahil Vietnamese o Intsik ang nagdala dito sa Cebu.
Ang laman ay gawa sa ubad o sa puso ng saging na tinaguriang meat extender, dagdagan ng giniling at iba pang rekado, binalot sa balat na hindi naman sa ordinaryong lumpia wrapper o di naman sa breading. Isawsaw sa malapot na sarsang maanghang, langit ang dating!
Ito na ngayon ang nakagisnan kong almusal sa umaga. Ngohiong kay manang sa karinderia.
Larang og Bakasi
Nalasing ako noon. Sinamahan ako ng kasamahan ko na pumunta sa isang lugar sa Fuente na kilala bilang "Larang". Night cafe kung tutuusin kasi sa gabi lang ito sumusulpot. Nagtaka ako, ano ba ang niluluto sa mga malalaking kawa sa tabi ng Jones at para yatang dinudumog ng mga tao?
larang. isang sabaw ng isda na animo'y similar sa sinigang na isda pero hindi ganoong kaasim. May isda at may pagi (manta ray o sting ray) na pwedeng pagpilian.
bakasi. nakakain ka na ba ng eel? Hindi ko alam kong eel o sea snake na ang kinakain dito pero ito ang tawag sa sabaw na malinamnam at halos pareho na rin sa larang.
Ang dalawang sabaw na ito na marahil ang nagpahilab sa tyan ko na puno ng alkohol. Masarap!
Larsian
Kung may Divisoria ang CDO, Manukan Country sa Bacolod at Valeria ang Iloilo, marahil ito na rin ang isa sa mga lugar sa syudad na grabe ang air pollution pero tila hindi baho ng diesel ang lumalabas. Kundi langhap ng mga iniihaw na barbeque, isaw, betamax, atbp ang naandito.
Tinawag na Larsian ng karaniwang Cebuano, matatagpuan ito sa ibaba ng Chong Hua Hospital, walking distance lang sa Fuente Osmeña at sa kainan ng larang-bakasi.
Dito, merong dispatcher ang kada restawran para manghikayat sa tao na kumain. Sari-saring pagkain ang nakahain, kadalasan puro inihaw. (ingat sa mga highblood at sa mga ayaw magkakanser) kasama na ang paboritong "puso" o di kaya "mais"
Mais?
Marahil magtataka kayo kung first time nyo sa Cebu at napakain kayo sa karinderya at nagtaka bakit hindi puting mahahaba anh kanin. Binigyan siguro kayo ni manang ng mais.
Yup, mais nga. Corn sa Ingles. Nakakabigla no at ginawang substitute sa kanin. Bakit mais ang sinasaing sa Cebu?
Sa kadahilanang kulang sa patag na lupa at hindi ganong kaangkop ang lupa sa Cebu sa pagtatanim ng palay, napag-isipan ng mga Cebuano na magtanim ng mais bilang pamalit sa palay na tinaguriang staple food ng mga Asyano.
Marami pa marahil
Siguro, di pa nagtatapos ang surpresa sa foodtrip ko dito sa Cebu. Marahil marami pa akong matutuklasang pagkain na katangi-tangi dito. Kaya pagsinabing "more than the usual delicacies sa Cebu, subukang maranasan ang kumain sa mga kalye at karinderya sa Cebu malasap ang malasap ang magiliw na pagtanggap ng mga Sugboanhon at sarap ng pagkain."
BALBAKWA! WOW SARAP NYAN! MISS KO NA ANG BALBAKWA SA COTABATO
Posted by DAXENO at February 16, 2008, 2:28 amano po bang ubad …..at anong pinaka main na pagkain sa cebu?pwede paki sagot………..
Posted by desiree at June 16, 2008, 7:34 pmwow balbakwa ang sarap. na miss ko na ang balbakwa. kumain lang kasi ako nyan pag ang mama ko ang magluto. masarap kasi ang luto ni mama…. D’best talaga ang lechon sa cebu lalo na sa lechoncebu.com. napakasarap at napaka crispy ng balat. at hindi na kailangang lagyan pa ng sause or mang tomas… try nyo ang lechoncebu.com
Posted by shua at June 18, 2008, 10:44 amAll comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.
Nagtatanong lang po..
Posted by Judd at January 12, 2007, 10:52 pmanu po ba ang mineral contents ng puso ng saging at nagiging pampasarap ito ng pagkain pag hinahalo?? pakisagot naman po.